Miyerkules, Enero 28, 2026

May sariling daigdig - tanaga-baybayin

may sariling daigdig
itong makatang gising
tula ng tula kahit
wala sa toreng garing

-tanaga-baybayin
gbj/01.28.2026

Sa pag-iisa

SA PAG-IISA
(Sa ika-210 taon ng tulang "To Solitude" ng makatang Ingles na si John Keats)

ako na'y nag-iisa
bálo, walang kasama
subalit kinakaya
nais kong mabuhay pa

ay, mag-isa'y balaraw
sa búhay kong mapusyaw
na sa bawat paggalaw
mundo ko'y nagugunaw

tangi kong nalilirip
ang nasa panaginip
may diwatang nahagip
na sa akin sumagip

oo, ako na'y bálo
solo na lang sa mundo
kumunoy na ang dulo
ng nilalakaran ko

pawang lumbay at luhà
subalit di kawawà
kakathâ kahit bahâ
daanan man ng sigwâ

- gregoriovbituinjr.
01.28.2026

Martes, Enero 27, 2026

Ang pinili kong landas

ANG PINILI KONG LANDAS
(Sa ika-110 taon ng tulang "The Road Not Taken" ng makatang Scot na si Robert Burns)

oo, pinili ko'y landas na bihirang tahakin
landas ng karangalan upang masa'y di hamakin
landas ng pagbaka upang obrero'y di apihin
landas na madugô upang dukha'y di maliitin

batà pa'y pinangarap nang paglingkuran ang bayan
kayâ pinili ko ang landas ng kabayanihan
bagamat punong-punô man ng kasalimuotan
ay patuloy na tinahak ang baku-bakong daan

datapwat magulo ay doon lang mapapanatag
ang buhay, diwa't kaloobang ayaw maging hungkag
magbubô man ng laksang pawis at dugo'y papalag
sa pag-iral ng sistemang bulok ay di patinag

sa kaliwâ man ng sangandaan ako lumikô
sementado man ang kanang daan ay di mahulô
sa pinili kong daan may lipunang mabubuô
lipunang makatao at ang bulok ay guguhò

- gregoriovbituinjr.
01.27.2026

Lunes, Enero 26, 2026

Bunbu ichi

BUNBU ICHI
(Bunbu ichi - pen and sword as one)

tila pluma'y kaytalas talaga
sintalas ng kris o ng espada
kayâ patuloy lang sa pagkathâ
ang tulad kong kwentista't makatâ

sa pagsusulat ng minimithi
ay gamit ang Hapong bunbu ichi
yao'y pinag-isang pluma at kris
na parang lintik kung humagibis

matalas ang mga sinusulat
na sa masa'y nakapagmumulat
parang tinamaan ng palasô
ang diwa't puso'y pinagdurugo

paumanhin kung ika'y umaray
pagkat sa masa ang tula'y tulay
ko upang ako'y maunawaan
at sila'y aking maunawaan

- gregoriovbituinjr.
01.26.2026

* litrato mula sa google
* The saying most commonly associated with the samurai class is “bunbu ichi” or “pen and sword, as one.” https://www.thecollector.com/medieval-knights-vs-samurai-warriors/

Linggo, Enero 25, 2026

Panagimpan

PANAGIMPAN

matutulog muli ngayong gabi
nang tila baga walang nangyari
may nakathâ bang maikling kwento?
batay sa nangyayari sa mundo

pulos tulâ lang ang nakákathâ
subalit ano ang pinapaksâ?
mga sariwang isyu ng bayan?
o di palagay na kalooban?

ay, sana'y muli pang managinip
ng isyung talagang malilirip
na pagdatal ng madaling araw
ay may makathâ kahit maginaw

ang tulog dapat ay walong oras
subalit púyat ay nababakas
pagkat madaling araw na'y gising
at isusulat na ang panimdim

- gregoriovbituinjr.
01.25.2026

Takbâ pala'y tampípi

TAKBÂ PALA'Y TAMPÍPI

muli'y aking nakasalubong
ang takbâ sa palaisipan
tampípi ang aking tinugon
na sa diwa'y di nalimutan

iyon ang maleta ni Lolo
kapag lumuwas ng Maynilà
sa kawayan ay yari ito
o kaya'y sa ratan nilikhâ

pag pinag-isipang maigi
luma man o lalawigan
babalik sa iyong mabuti
ang salitang di nalimutan

nagbabalik sa alaala
palaisipan yaong tulay
gunitâ nina Lolo't Lola
sa diwa'y nagbalikang tunay

- gregoriovbituinjr.
01.25.2026

* krosword mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Disyembre 20, 2025, p.10
* Diksiyonaryong Adarna, mp. 887 at 901

Nakamit ba'y dalawa o apat na ginto?

NAKAMIT BA'Y DALAWA O APAT NA GINTO?

parehong petsa, magkaibang pahayagan
dapat pareho ang ulat, di ba, kabayan?
sa isa, dalawang ginto'y kuha ni Otom
sa isa pa, apat na ginto'y kuha niyon

bakit magkaiba sila ng iniulat?
baka ang isa'y ipinadala na agad
ang balita kahit di pa tapos ang laban
ang isa, buong pangyayari'y nasaksihan

kay Angel Mae Otom, mabuhay ka! mabuhay!
apat na ginto ang iuuwi mong tunay!
ang ASEAN Para Games record ay binura
sa sandaang metrong free style pa talaga

ang pangalan niya'y tiyak maiuukit
sa kasaysayan ng isports, pati nakamit
kay Angel May Otom, pagpupugay sa iyo!
salamat! dangal ka ng bansâ nating ito!

- gregoriovbituinjr.
01.25.2026

* ulat mulâ sa pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Enero 24, 2026, p. 12

Takót sa sariling anino

TAKÓT SA SARILING ANINO

takót sa sariling anino
ang mga kurakot sa pondo
ng bayan, sadyang mga tuso
at kunwari'y relihiyoso
upang makalusot sa kaso

nais nilang maipakita
sa masa, matitino sila
mapagbigay pa ng ayuda
tinatago ang ebidensiya
basta lang di makulong sila

kunwari'y may Bibliyang tangan
gayong bistado nang kawatan
sagad na sa katiwalian
kayâ sila'y kinakasuhan
ng pagkakasala sa bayan

pinaniniwala pa tayo
na sila'y mga banal, santo
at napakarelihiyoso
baka sila'y santong kabayo
sa pondo ng bayan, dorobo!

- gregoriovbituinjr.
01.25.2026

Sabado, Enero 24, 2026

Idlip

IDLIP

kaytagal natulog / ng aking isipan
sabay lang sa agos / na parang alamang
tila di mabatid / ang kahihinatnan
buti't iwing dangal / ang naging sandigan

kayraming naisip / ngunit di malirip
nakatunganga lang / sa kisame't atip
ang bilog na buwan, / di man lang masilip
nadama talaga'y / kaytagal naidlip

nagawa'y itulâ / ang mga diwatà
at ang rikit nila'y / nakakatulalâ
ako'y patuloy lang / na sinasariwà
ang pusong duhagi, / kakabit ma'y luhà

ako'y nagigising / pag may kakathain
pag aking narinig/ ang bulong ng hangin
matapos masulat / ang hahalagahin
tutulog na't diwa'y / pagpapahingahin

- gregoriovbituinjr.
01.24.2026

Dapat pala'y may alam din sa geography

DAPAT PALA'Y MAY ALAM DIN SA GEOGRAPHY

higit sa sampung tanong / hinggil sa mga lugar
sa bansa't ibang bansâ / sa krosword ay tinugon
kayâ ang geography / ay dapat nating alam
o kaya'y sa krosword na / natin natututunan

Siam ang dating ngalan / ng kapitbansang Thailand
may lungsod din ng Reno / sa Nevada, U.S.A.
at lugar na sa bansâ / ang karamihang tanong
na agad naman nating / talagang sinagutan

naroroon sa Pasay  / ang airport ng NAIA
Glan ay sa Saranggani, / di sa South Cotabato
ang bayan ng Panabo, / nasa Davao del Norte
ang bayan ng Maasin / ay nasa Southern Leyte

ang Angat sa Bulacan, / Minglanilla sa Cebu
Pili, Camarines Sur, / Panguntaran sa Sulu
bayan ng Aliaga / sa Nueva Ecija
may Lian sa Batangas / at marami pang iba

may bayan ng Anilao, / di lamang sa Batangas
kundi sa  Iloilo, / Oton din ay narito
pagkaminsan talaga / ay sa palaisipan
may dagdag-kaalaman, / may bagong natutunan

- gregoriovbituinjr.
01.24.2026

* krosword mulâ sa pahayagang Remate, Enero 17, 2026, p.10

Pinagkakakitaan at ang iniwang sanggol

PINAGKAKAKITAAN AT ANG INIWANG SANGGOL

tatlong ulat ng sanggol na nasa diyaryo
ang napabalitang nasagip, nailigtas
sa iba't ibang lugar na magkakalayô
sa krimeng child trafficking, kaytindi ng danas

dalawang sanggol na ibinebenta onlayn
ang nailigtas; sanggol na ibinebenta
ng walong libong piso ay nabawi habang
nadakip naman ang mismong inang nagbenta

sanggol na isinupot, sa geyt isinabit
bakit ginanon? pinabayaan ang batà!
nakitang gumalaw kaya ito'y nasagip
nang makita nila'y nakangiti ang batà

talaga bang nang dahil sa hirap ng buhay?
pati na sariling dugo'y ibinebenta!
bakit kanilang sanggol ay idinadamay?
na baka magmulat na wala silang ina

kay-aga nang biniktima ang mga sanggol
na wala pang muwang sa kanilang sinapit
sa murang edad nila'y dapat ipagtanggol
at karapatan nila'y huwag ipagkait

* ulat mula sa mga pahayagang Abante, Enero 18, 2026, p.3; Abante Tonite, Enero 23, 2026, headline at p.3; Pang-Masa, Enero 24, 2026, p.3

Biyernes, Enero 23, 2026

Kahit saan sumuot

kahit saan sumuot
ay di makalulusot
iyang mga kurakot
na tuso at balakyot

- tanaga-baybayin
gbj/01.23.2026

Sa 4th Black Friday Protest ng 2026

SA 4TH BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

nagpapatuloy ang Black Friday Protest
sapagkat ayaw natin ng Just-Tiis
laban sa korap at mapagmalabis
dapat silang managot at matugis

di pa tapos itong gálit ng masa
na hanggang ngayon ay nagliliyab pa
wakasan na ang mga dinastiya
baguhin na ang bulok na sistema

kada Biyernes, di kalilimutan
tuligsain ang mga lingkod bayan
na inihalal sa kapangyarihan
ngunit naging mandarambong, kawatan

ikulong ang kurakot na masahol
pa sa hayop, talagang mga ulol
pondo ng bayan, binulsa't ginugol
sa sarili, di sa bayan inukol

kada Biyernes, kikilos, may tulâ
ambag sa pakikibaka ng madlâ
laban sa mga korap at kuhilâ
na dapat lang nating tinutuligsâ

- gregoriovbituinjr.
01.23.2026

* litrato kuha sa Pasig opis

Huwebes, Enero 22, 2026

Ikalima, hindi ika-lima

IKALIMA, HINDI IKA-LIMA

salitang ugat o pangngalan, di numero
kayâ bakit may gitling ang panlaping "ika"
di ba't kayâ panlapi, kinakabit ito
sa salitâ, arâlin n'yo ang balarila

maraming nalilito, may maling pagtingin
sa paglagay ng gitling sa mga salitâ
ikalima, di ika-lima; walang gitling
ika-5, di ika5 yaong diwà

nilalagyan ng gitling matapos ang "ika"
sapagkat numero na ang kasunod niyon
kayâ madali lang maunawâ talaga
pagkakamali'y di na sana ulitin pa

sana sa eskwelahan, maituro muli
lalo sa mga estudyante't manunulat
huwag nang ulitin yaong pagkakamali
at sa wastong gamit ng gitling na'y mamulat

- gregoriovbituinjr.
01.22.2026

* litrato mula sa krosword ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 22, 2026, p.10

Utang

UTANG

di ko pa magamit ang pagsulat at pagsasalin
upang kumita ng pera't makabayad ng utang
na umabot ng milyon, saan ko iyon kukunin
tila ako'y isang dambuhala't malaking mangmang

ngunit umaasang makalilikhâ ng nobela
hinggil sa mga napapanahong problema't isyu:
katiwalian, flood control, panawagang hustisya,
dinastiya, buwaya, buwitre, kawatan, trapo,

o pagsinta, makatâ ma'y wala sa toreng garing,
o ikwento ang isyu ng manggagawa't pesante,
o prinsipyo't tindig sa mga akda'y mapatining,
o kalagayan ng manininda, batà, babae

marahil ay parang Lord of the Rings o Harry Potter
katha nina J.R.R. Tolkien at J.K.Rowling
mga idolo kong awtor, magagaling na writer
o kaya'y awtor na sina Mark Twain at Stephen King

kumita sila sa kakayahan nilang magsulat
ng mga akdang pumukaw sa harayà ng madlâ
marahil, mga utang nila'y nabayaran agad
dahil kumitang lubos ang kanilang mga akdâ

- gregoriovbituinjr.
01.22.2026

Tamâ na ang drama

TAMÀ NA ANG DRAMA

nagiging swarswela na lang ba?
at tadtad ng iskrip ang drama?
na mapanagot ang buwaya?
sana'y may maparusahan na!

di lang buwaya kundi pating
malaking isdâ at di kuting
senador mang paladasalin
kung may salà, ikulong na rin

ayaw namin ng teleserye
na tilà wala pang masisi
masisibà na'y sinuswerte
kung pulos drama ang mensahe

ikulong ang mga kurakot!
ilantad ang lahat ng sangkot!
saan man sila magsisuot
ay dapat madampot, managot!

- gregoriovbituinjr.
01.22.2026

* litrato kuha sa pagkilos sa Senado, noong Enero 19, 2026

Miyerkules, Enero 21, 2026

Pasaring

PASARING

may pasaring muli ang komikero
hinggil sa senaTONG na nakakulong
di raw magtatagal sa kalaboso
dahil sa kaytinding agimat niyon

aba'y nagbiro pa si Mambubulgar
sapul na sapul ang pinatamaan
masa'y batid agad ang ibinulgar
dahil headline naman sa pahayagan

ngunit agimat ba'y tatalab kayâ
sakaling siya'y makalaya agad?
paano ang hustisya sa binahâ?
dahil sa ghost flood control, anong bigat!

o agimat ay sa pelikula lang?
at di sa kurakot na puso'y halang?

- gregoriovbituinjr.
01.21.2026

* mula sa pahayagang Bulgar, Enero 21, 2026, p.3

Ang aklat na Still Breathing, 100 Black Voices on Racism

ANG AKLAT NA STILL BREATHING, 100 BLACK VOICES ON RACISM

Nabili ko ang aklat na Still Breathing, 100 Black Voices on Racism, 100 Ways to Change the Narrative, sa Book Sale sa Farmers Cubao noong Enero 10, 2026, sa murang halagang P35.00 lang. Makapal ang aklat na umaabot ng 308 pahina.

Kaytindi ng pamagat ng aklat: Still Breathing. Ibig sabihin: Humihinga pa! Humihinga pa sila dahil hindi sila natulad sa nangyari kay George Floyd. Humihinga pa dahil nabuo ang kampanyang Black Lives Matter nang mamatay si Floyd.

Natipon sa aklat ang isang daang boses ng mga tumututol sa rasismo sa Amerika, bunsod ng pagkamatay ng Itim na si George Floyd noong Mayo 25, 2020 sa Minneanapolis. Si Floyd, 46-taong-gulang, ay namatay matapos siyang arestuhin ng pulisya dahil sa umano'y paggamit ng pekeng $20 na perang papel. Mahigit siyam na minuto siyang niluhuran sa leeg ng pulis na si Officer Derek Chauvin, na nagresulta sa atake sa puso. Ang pangyayaring iyon ang naging sanhi ng mga pandaigdigang protesta laban sa brutalidad ng pulisya at sistematikong rasismo. Nabuo ang malawakang kampanyang Black Lives Matter.

Ang opisyal na sanhi ng kamatayan ay idineklarang homicide dahil sa neck compression. Ang insidente, na nakunan ng bidyo ng mga nakasaksi, ay humantong sa paghatol kay Chauvin at sa mahahalagang panawagan para sa reporma sa pulisya.

Mahalagang basahin ang aklat dahil sa usapin ng rasismo. Dahil 100 katao, pawang mga Itim, ang nagsulat hinggil sa isyu ng rasismo. Ika nga sa pamagat ng aklat - 100 ways to change the narrative - mga pampalakas ng loob, mga pampataas ng moral, hindi lang pulos galit sa mga Puti, kundi sa rasismo na dapat nang mawala. Dapat magkaroon ng paggalang sa bawat isa anuman ang kulay ng kanyang balat, anuman ang kanyang lahi.

Nataon ding nakita ko ang aklat na ito sa panahong may panibagong pagpaslang, doon pa rin sa Minneanapolis. Ang biktima'y isang ina, na nagngangalang Renee Nicole Good.

Noong Enero 7, 2026, si Good, isang 37-taong-gulang na mamamayang Amerikano, ay binaril at napatay ng ahente ng United States Immigration and Customs Enforcement (ICE) na si Jonathan Ross sa Minneapolis, Minnesota. Nasa loob ng kanyang sasakyan si Good, na inihinto ang kanyang sasakyan sa gilid. Lumapit si Ross at ang iba pang ahente, at inutusan siya ng isa na bumaba ng sasakyan habang inaabot ang kanyang kamay sa kanyang bukas na bintana. Lumipat si Ross sa kaliwang harapan ng sasakyan habang sandaling umatras si Good, pagkatapos ay nagsimulang magmaneho patungo sa direksyon ng trapiko habang lumilingon kay Ross. Habang nakatayo, nagpaputok si Ross ng tatlong beses, na ikinamatay ni Good. Ang pagpatay ay nagdulot ng mga pambansang protesta at maraming imbestigasyon.

Dalawang pangyayari. Parehong sa Minneanapolis. Dalawang biktima - sina George Floyd at Renee Nicole Good. Nasaan ang prinsipyo ng kapwa at pakikipagkapwa tao? Kahit sa ating bansa ay maraming tinokhang at pinaslang ng walang awa.

Nakasulat nga sa ating Kartilya ng Katipunan na inakda ni Gat Emilio Jacinto. "Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao."

Kung may pagrespeto lang sana sa wastong proseso, sa buhay, at sa hustisya, baka buhay pa sina George Floyd at Renee Nicole Good.

Nag-alay ako ng munting tula:

para lang pumapatay ng ipis
ang mga naging suspek na pulis
ang ginawa talaga ay labis
sa mga biniktimang tiniris

biktima ng rasismo si George Floyd
at pinaslang si Renee Nicole Good
ang mga pulis ba'y sadyang ubod
ng sama't buhay nila'y nilagot

magkaiba bawat insidente
sa Minneanapolis nangyari
na resulta'y talagang kaytindi
ngunit dito'y ano ang mensahe?

dapat wastong proseso'y igalang
pati na kanilang karapatan
George Floyd, Renee Nicole Good, tandaan
biktima sila ng mga halang

- gregoriovbituinjr.
01.21.2026

Martes, Enero 20, 2026

Tungkulin

TUNGKULIN

tungkulin ng bawat mandirigmâ
bakahin ang burgesya't kuhilâ
ipaglaban ang obrero't dukhâ
at ang bayang api'y mapalayà

bawat isyu ng madla'y mabatid
di manahimik o maging umid
ipagtanggol ang mga kapatid
laban sa kaapihang di lingid

tungkulin ng lider-maralitâ
ang umugnay, makaisang diwà
ang inaapi't nagdaralitâ
dahil sistema'y kasumpâ-sumpâ

niyayakap ang bawat tungkulin
na pinagpasyahang tutuparin
makauring prinsipyo'y baunin
hanggang asam na hustisya'y kamtin

tungkulin din ng bawat makatâ
isyu ng masa'y tipuning sadyâ
pagbaka'y ilarawan sa akdâ
sanaysay, kwento, nobela't tulâ

- gregoriovbituinjr.
01.20.2026

Lunes, Enero 19, 2026

Ang sining

ANG SINING

halina magpatuloy tayong gumawa ng ingay
laban sa mga kurakot na korapsyon na'y gamay
lagi't lagi, sining ng pagtula'y isinasabay
sa bawat rali, nang kurakot panaguting tunay

kumilos tayo! at huwag manahimik na lamang!
magalit tayo! singilin ang kurakot na iyan!
lumabas tayo! karapatan nati'y ipaglaban!
maningil tayo! panagutin ang mga kawatan!

ang sining ay di lang upang aliwin ang sarili
kundi ito'y isa sa palagi nating kakampi
sa paglikha ng kasaysayan, tagos ang mensahe
sa sambayanang kaytagal nang nagdurusa't api

baguhin na ang sistema! hiyaw ng taumbayan!
mga trapo't dinastiyang pulitikal, wakasan!
lahat ng mga kurakot ay dapat parusahan!
ikulong na 'yang mga kurakot! sigaw ng bayan!

- gregoriovbituinjr.
01.19.2026

May sariling daigdig - tanaga-baybayin

may sariling daigdig itong makatang gising tula ng tula kahit wala sa toreng garing -tanaga-baybayin gbj/01.28.2026