ISAAKLAT NA ANG MGA KINATHANG TULA
ako ba'y isinilang upang magmakata
upang araw gabi'y kumatha nang kumatha
upang anumang nanilay ay itutula
kahit madalas nakatunganga't tulala
natanto kong ang pagtunganga'y trabaho rin
tititig sa malayo, sa langit, sa dilim
inuunawa anumang naroong lihim
na nais tuklasin kahit na may panimdim
minsan, sa pagtunganga'y may nadadalumat
paksang pag napagtanto'y agad isusulat
nagbabakasakaling ang masa'y mamulat
tungong pantay na lipunang kanyang nasipat
walang pera sa tula kung paisa-isa
subalit kung isasaaklat, may halaga
tipunin na ang mga tulang nakatha na
aklat na nalathala, sa madla'y ibenta
- gregoriovbituinjr.
02.09.2025