Miyerkules, Pebrero 12, 2025

Larga masa

LARGA MASA

dapat matibay ang larga masa
upang mapanatag ang titira
sa tahanang itinayo nila
lumindol man, di madidisgrasya

ayon sa isang diksiyonaryo:
larga masa'y pinaghalong sukat
na dami ng buhangin, semento, 
graba't tubig, nang lalong tumibay

ang gusali't bahay na tinayo
o tulay at lansangang daanan
matibay pala ang larga masa
di lang ito para sa konstruksyon

pag lumarga ang mulat na masa
tutunguhin nila'y rebolusyon
may matibay na pagkakaisa
matatag na prinsipyo't pundasyon

tara, masa, tayo nang lumarga
baguhin ang bulok na sistema
ibagsak ang gahamang burgesya,
oligarkiya at dinastiya!

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* larga masa - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.680

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tula'y tulay

TULA'Y TULAY tula'y tulay ko sa manggagawa tulang kinatha ukol sa dukha tula upang umugnay sa madla kaya naritong nagmamakata dito n...