ANG MASKOT PALA'Y WISIT
salitang MASKOT pala ay WISIT
kung ang pangalan ng maskot ay BU
ngalan ng dula: si BU, ang WISIT
paumanhin sa bagong pauso
ako nga'y napaisip sa tanong
sa Dalawampu't Anim Pababa
ang maskot ay tulad ni Pong Pagong,
o ni Kikong Matsing, ni Mang Muta
mabuti't ako'y may diksyunaryo
at sinangguni ano ang MASKOT
WISIT ang ibang salita nito
kaya krosword na'y aking nasagot
buti't nabatid ang kahulugan
upang magamit ko sa pagkatha
isa itong dagdag kaalaman
para sa mga kwento ko't tula
- gregoriovbituinjr.
02.09.2025
* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 9, 2025, p.10
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino: maskot, pahina 766; wisit, pahina 1337
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento