Sabado, Pebrero 8, 2025

Isang kahig, isang tuka

ISANG KAHIG, ISANG TUKA

tulad daw ng manok / ang buhay ng dukha
pagkat sila'y isang / kahig, isang tuka
sa bawat pagkilos / ay kakaing sadya
pag di nagtrabaho, / pagkain ay wala

parirala itong / palasak sa bayan
upang ilarawan / yaong karukhaan
maagang gigising / at paghahandaan
ang isang araw na / lalamnan ang tiyan

kaya tinatawag / silang mahihirap
ng tusong burgesyang / pawang mapagpanggap
sangkahig, santuka'y / wala raw pangarap
mga maralitang / walang lumilingap

bawat kinikita'y / para sa pagkain
di sa luho, gamit, / o anupaman din
bawat pagkahig mo'y / pang-ngayong pagkain
wala para bukas / at kakahig pa rin

- gregoriovbituinjr.
02.08.2025

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 6, 2025, p.7

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Basa-nilay

BASA-NILAY hatinggabi, pusikit ang karimlan kayrami pa ring napagninilayan nais nang magpahinga ng isipan alalahani'y makakatulugan ngun...